Labing-isang minuto lamang ang tinagal. Labing-isang minuto lamang ang naibigay. Ang iba, apat na yugto ang kailangan para makatulong. Pero si Jayjay Helterbrand, sa unang pagkakataong makalaro sa PBA Quarterfinals, halos isang kindat lang ang tinagal sa hardcourt.
Si Helterbrand, ang kawawang Gin King na nakitang nakaupo sa sahig ng Araneta Coliseum, balot ng hinagpis matapos sila talunin ng Alaska sa kanilang knock-out game noong Hulyo, labing-isang minuto lang ang ginamit nitong nakaraang araw ng Pasko para ibandera ang Ginebra, labing-isang minuto lang ang ginamit para makaganti sa Alaska.
X-Factor ba kamo? Walang puntos. Walang three-point shots. Pero nakatala ng apat na assists si Helterbrand. Si Ronald Tubid ang nakinabang sa tatlong assists ni Helterbrand -- ang naging mitsa ng isang 8-0 Tubid run. Kaya naibaba ang sampung puntos na kalamangan. Kaya nabura ang dalawampu't puntos na pagka-lugmok. Hindi man naka-iskor si Helterbrand, siya naman ang nagmando ng sitwasyon. Siya ang kumumpas sa konsiyerto.
Walang puntos. Walang three-point shots. Labing-isang minuto lamang ang kanyang tinagal. Pero nang mag-karoling ang Ginebra Vienna Boys Choir sa Cuneta Astrodome, si Helterbrand at naging Ryan Cayabyab. Si Helterbrand ang nanigurong nasa-tono ang lahat.
Ang Pagbangon ni LeBron James
Pwede naman magbago ang isip. Hindi naman kailangan mag-matigas ng ulo. Sa pagbago ng kapalaran ng Miami Heat, nag-iba na rin ang paningin ng mga taga-batikos. Ang mga kritiko noon, mga naniniwala na ngayon.
Pero teka...
Opo, marami ang biglang napatigil sa walang-awat ng paghihimay sa kalagayan ng Miami Heat. Marami ang biglang tumahimik nang patumbahin ni LeBron James ang halos lahat ng kalaban sa loob ng nakaraang buwan. Bagama't tamang sabihin na marami na ang naniniwala ngayon, mahalaga din linawin na naniniwala nga ang marami ngayon. Hindi ito nangangahulugan na sila rin ay tataya sa kinabukasan ng kupunan.
Si LeBron ay laging LeBron.
Ang kritiko ay laging kritiko.
Patumbahin man ng Miami Heat ang LA Lakers sa araw ng Pasko, mag-triple-double man si LeBron James, mapahiya man si Pau Gasol kay Chris Bosh, pakiramdam ko'y hindi pa talaga kumbinsido ang madla na ganito rin ang ipapakita ng Miami pagtapak ng Abril at Mayo. Mahirap talaga baguhin ang ugali ng nagdududa.
Mahirap din kasi itapon ang tibay ng pangalan. Yan ang dala ng may mga singsing at korona. Talunin ka man ngayon, alam ng lahat kaya mo pa rin manalo sa huli. Kaya naman maihahambing sa galit ng masaming gising ang bangis ni LeBron, ang hagupit ng Miami. Anuman ang gawin, kritiko ay may sasabihin.
Eto ngayon ang sagot. Patahimikin si Kobe (kahit pansamantala lang). Patahimikin ang mga kalaban (hanggang kailan 'di natin alam). Patahimikin ng tuluyan ang mga bumabatikos -- kung papano, kailan at saan, ang Sugo lang at kanyang mga Saksi ang may kasagutan. MH
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.